-- Advertisements --

Nakipagkasundo na ang Department of Agriculture (DA) sa Department of Labor and Employment (DOLE) at Philippine Carabao Center (PCC) ukol sa pagpapalawig ng P20 rice program.

Sa ilalim ng kasunduan sa DOLE, ang mga minimum wage earners ang magiging benepisyaryo ng subsidized rice na magmumula sa National Food Authority (NFA).

Ayon kay Agriculture Secretary Francisco Tiu Laurel Jr., layunin ng programa na mapalakas ang kabuuang aktibidad ng ekonomiya sa bansa.

Tiniyak naman ni Labor Secretary Bienvenido Laguesma na may istriktong pagpili ng kwalipikadong benepisyaryo. Inatasan nya na ang mga regional director ng DOLE na makipag-ugnayan sa mga kumpanya para sa tamang pagpapatupad ng programa.

Ang programa ay ia-align din sa KADIWA ng Pangulo at Integrated Livelihood Program upang matulungan ang mga labor group na makapasok sa agrikultura.

Samantala, nilagdaan din ng DA at PCC ang kasunduan para isama ang 48 Dairy Box outlets sa KADIWA network. Layunin nitong palawakin ang market access ng mga maliliit na dairy farmer at itaguyod ang local na gatas.