Nasayang ang season high na 58 points ni James Harden nang gulatin ang Houston Rockets ng Brooklyn Nets sa overtime game, 145-142.

Sumandal ang Nets sa impresibong laro na ipinakita nina Spencer Dinwiddie na may 33 points at Jarrett Allen na nagtapos sa double-double sa pamamagitan ng 20 points at 24 rebounds.

Hawak na ng Brooklyn ang 23-23 kartada ngayong season habang ang Houston naman ay may record na 25-19.

Liban sa big points ni Harden nagtala rin siya ng 10 rebounds at 6 assists sa all-around game.

Kung maalala nito lamang nakalipas na araw ay nagbitbit din ng 57 points si Harden para tambakan ng Rockets ang Grizzlies.

Samantala, kapwa may tig-20 points sina P.J. Tucker at Eric Gordon para sa Houston.

Tinangka pa ng Rockets na idagdag sana sa kanilang biktima ang Nets nang ibuhos nila ang 40 puntos sa third quarter laban sa 23 ng karibal.

Pero pagsapit ng 4th quarter at overtime namayani pa rin ang siniswerteng laro ng Brooklyn.