Binuwag ni Pangulong Ramchandra Paudel ng Nepal ang kanilang parlyamento at nagtakda ng panibagong halalan sa Marso 5, 2026.
Ang desisyon ay ginawa matapos ang isang linggong kaguluhan na nauwi sa pagkakatalaga ng kauna-unahang babaeng punong ministro ng bansa.
Ayon sa pahayag ng opisina ni Paudel nitong Biyernes ng gabi, inatasan niyang pansamantalang mamuno si dating Chief Justice Sushila Karki.
Siya ay itinalaga matapos ang matinding kilos-protesta na pinangunahan ng kabataang tinawag na “Gen Z,” na tumututol sa katiwalian sa gobyerno.
Napilitang magbitiw si dating Punong Ministro K.P. Sharma Oli matapos lumala ang tensyon at magresulta sa pagkasawi ng hindi bababa sa 51 katao at pagkakasugat ng mahigit 1,300.
Itinalaga si Karki matapos ang dalawang araw na negosasyon sa pagitan ni Pangulong Paudel, Army Chief Ashok Raj Sigdel, at mga lider ng protesta.
Samantala, naglabas ng pahayag ang India, katabing bansa sa timog ng Nepal, na umaasang magbubunga ang mga pangyayari ng kapayapaan at katatagan sa kanilang karatig-bansa.