-- Advertisements --

Naniniwala si Zambales Representative Jay Khonghun na ang near majority trust rating ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa kalagitnaan ng kanyang termino ay patunay umano na siya ay hindi pa isang lame duck gaya ng sinasabi ng kanyang mga kritiko.

Kasabay nito ay kinikilala rin ni Zambales Rep. Khonghun ang mataas na rating ng Kamara de Representantes at ni Leyte Rep. Ferdinand Martin Romualdez, ang Speaker ng ika-19 na Kongreso. Aniya, ang naturang pagtaas ay nangangahulugang mas matibay na suporta mula sa lehislatura para sa Pangulo at sa kanyang mga programa at bisyon para sa Bagong Pilipinas.

Pahayag ito ni Khonghun bilang tugon sa pinakahuling survey na nagpapakitang tumaas ng 12 percentage points ang trust rating ni Pangulong Marcos Jr. mula 36 porsyento noong Abril, naging 38 porsyento noong Mayo, at umabot sa 48 porsyento nitong Hunyo.

Ayon din sa parehong survey, ang trust rating ng Kamara ay tumaas ng 23 percentage points sa huling tatlong buwan ng ika-19 na Kongreso mula 34 porsyento noong Abril, naging 49 porsyento noong Mayo, at umabot sa 57 porsyento nitong Hunyo.

Nagtapos ang termino ng nakaraang Kongreso noong Hunyo 30.

Tungkol naman kay Rep. Romualdez ng unang distrito ng Leyte, sinabi ni Khonghun: “Our leader in the House is the principal ally of President BBM in Congress. An improvement in the trust level of Speaker Romualdez and in our chamber means expanded support for PBBM and his Bagong Pilipinas and Agenda for Prosperity roadmap.”