Binabantayan ng National Disaster Risk Reduction and Management Council ang posibleng magiging epekto ng bagong low pressure area (LPA) malapit sa Mindanao.
Ang naturang sama ng panahon ay una nang pinangangambahang maging isang ganap na bagyo.
Ayon sa NDRRMC, tuloy-tuloy ang monitoring ng konseho sa magiging epekto nito sa naturang rehiyon dahil na rin sa kasalukuyang sitwasyon nito ngayon kung saan ilang araw nang nakakaranas ito ng malawakang pag-ulan habang maraming bahagi na rin ng Mindanao ang nakapagtala ng mga landslide.
Samantala, batay sa pagtaya ng weather agency ng Department of Science and Technology (DOST), may posibilidad na maging ganap na bagyo ang bagong LPA.
Sa kasalukuyan ay may layo itong 310 kilomentro mula sa silangan-hilagang silangan ng Davao City.
Nakaka-apekto ito sa Eastern Visayas, Caraga, at Davao Region kung saan inaasahang makakaranas ang mga ito ng mga pag-ulan hanggang sa pagtatapos ng kasalukuyang linggo.
Una rito, iniulat ng NDRRMC na umabot na sa 6 ang mga namatay dahil sa malawakang pagbaha at mga pagguho ng lupa sa Mindanao, dulot na rin ng walang-patid na pag-ulan sa lugar.