Ibinahagi ni dating National Bureau of Investigation–National Capital Region (NBI-NCR) Director Ricardo Diaz na hindi kailangang humingi o manghiram ng pera ng NBI sa kay dating House Speaker Martin Romualdez para mabuo ang entrapment operation sa extortion case ni Franco Mabanta.
Paliwanag ito ng dating opisyal kasunod ng pagpuna ni Atty. Rowena Guanzon na paano raw nagkaroon ng malaking halaga ng marked money laban kay Mabanta gayung naka-freeze ang accounts ni Romualdez.
Ayon kay Diaz, sa kanyang pagbisita kay NBI Director Melvin Matibag ngayong araw, tinanong niya kung saan nagmula ang P50,000 na totoong pera na isinama sa boodle money sa operasyon at ipinaliwanag ng NBI chief na ang naturang halaga ay mula mismo sa intelligence fund ng NBI na nakalaan para sa mga lehitimong operasyon.
Binanggit nito na malinaw ang sagot ni Matibag na hindi ito galing sa sinumang politiko.
Aniya, may nakalaang intelligence fund ang NBI para sa mga operasyon gaya ng entrapment, dahil ito ay isang law enforcement agency.
Dagdag pa ni Diaz, ang mga ahensyang hindi law enforcement ay hindi entitled sa intelligence fund, taliwas sa ilang nagsasabing nakapaloob dito ang mga kagawaran gaya ng DepEd at OVP. (Report by Bombo Jai)













