-- Advertisements --

Binigyang linaw ngayon ng Philippine Southeast Asian Games Organizing Committee (PHISGOC) na kanilang buong na-liquidate na ang lahat ng pondo ng P2.08 bilyon na kanilang natanggap mula sa hosting nila ng 2019 Southeast Asian Games.

Sinabi ni PHISGOC president Ramon ‘Tats’ Suzara na mayroon siyang pinanghahawakan na certification mula sa Philippine Sports Commission (PSC) na nagkukumpirma na kanilang buong na-liquidate na ang lahat ng pondo.

Dagdag pa nito na kahit na nagkaroon ng mga post-Games obligations at responsibilities dahil sa pandemya ay kanilang buong naliquidate ang pondo noon pang Marso 2022.

Inilabas ni Suzara ang pahayag ilang araw matapos na sambitin ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag na kanilang tinitignan ngayon ang irregularidad sa paggastos ng pondo noong 2019 SEA Games.

Magugunitang inihayag din ng NBI na kanilang isusubpoena ang ilang mga opisyal ng PHISGOC ukol sa nasabing usapin.