Tinatayang 1.5 trilyong litro ng tubig na ang nabawas sa Pantabangan Dam sa Nueva Ecija mula pa noong Nobyembre 2025, katumbas ng 37-meter na pagbaba ng lebel ng tubig o katumbas ng 630,000 Olympic-sized swimming pools.
Ayon sa Pantabangan Dam management, nasa 176 metro na lamang ang water level ng dam, mas mababa sa normal operating level at limang metro na lamang ang layo sa critical level na 171 metro.
Nabatid na nagsimulang bumaba ang lebel ng tubig noong Nobyembre 13, kasabay ng pagsisimula ng dry cropping season.
Dahil sa patuloy na pagbaba ng tubig, muling lumitaw ang lumang bayan na matagal nang pinalubog ng dam.
Ito na ang ikalimang pagkakataon mula noong dekada 70 na nangyari ang naturang phenomenon, na naitala lamang tuwing may matinding epekto ng El Niño, kabilang ang mga taong 1982–1983, 1997–1998, 2015–2016, 2023–2024, at ngayong 2026.
Bagama’t maaaring maapektuhan ang operasyon ng hydroelectric power plant kapag umabot sa critical level ang dam.
Sa ngayon sapat parin ang natitirang tubig upang maipagpatuloy ang patubig sa mga sakahan sa Nueva Ecija, Bulacan, Tarlac, at Pampanga.
Umaasa rin ang pamunuan sa inaasahang pag-ulan sa mga susunod na buwan.
Batay sa forecast ng PAGASA, inaasahang makatatanggap ang Nueva Ecija, lalo na ang Pantabangan Dam watershed, ng normal na dami ng ulan sa Hulyo at Agosto, habang 80 hanggang 90 porsiyento naman ng karaniwang rainfall ang inaasahan sa Setyembre at Oktubre.
Bukod sa Pantabangan Dam, nakapagtala rin ng mababang water level ang Angat Dam sa Bulacan. Hanggang alas-8 ng umaga nitong Biyernes, nasa 150.8 metro na lamang ang lebel ng tubig sa dam—ang pinakamababang naitala nito—malayo sa normal high water level na 210 metro.
















