Patuloy sa pagbaba ang antas ng tubig sa Angat Dam sa gitna ng panahon ng tag-init sa bansa.
Base sa pinakahuling inilabas na datos ng state weather bureau kaninang umaga, Mayo 7, ang antas ng tubig sa Angat Dam ay umaabot sa 181.35 meters, mahigit isang metrong mas mataas lamang kesa sa minimum operating level ng dam na 180 meters.
Bunsod nito, binawasan ang suplay sa irigasyon para unahin ang water consumption sa mga kabahayan.
Nagpatupad na rin ang mga awtoridad ng water service interruptions at pagrarasyon ng tubig sa oras na maabot ng dam ang kritikal na mababang lebel na 160 meters.
Ang naturang dam nga ang nagsusuplay ng 90 porsyento ng kinakailangang tubig sa Metro Manila.
Tinitignan namang makakatulong na mapabagal ang pagbaba ng antas ng tubig sa Angat Dam sa ikalawang bahagi ng Mayo kasabay ng transition tungo sa panahon ng tag-ulan dahil sa inaasahang thunderstorms sa watershed ng dam.
Samantala, ang iba pang dam sa Luzon ay nakapagtala naman ng bahagyang pagbaba sa antas ng tubig, kabilang ang San Roque Dam sa Pangasinan at Pantabangan Dam sa Nueva Ecija.
Habang ang Magat Dam naman ay may kaunting pagtaas sa nakalipas na isang linggo.
















