-- Advertisements --

Lumagpas na sa 190 meters ang antas ng tubig sa Angat Dam, matapos ang halos tatlong linggong tuloy-tuloy na pag-ulan.

Batay sa August 22 report na inilabas ng state weather bureau, umakyat na ang lebel ng tubig ng Angat sa 190.47 meters, halos 40 meters na mas mataas kumpara sa dati nitong antas noong Hulyo na umaabot lamang sa mahigit 150 meters.

Ang kasalukuyang lebel ay sampung metrong mas mataas kumpara sa Minimum Operating Level (MOL) na 180.0 meters.

Maituturing na itong ‘safe’ o ligtas mula sa mga serye o biglaang supply shortages.

Sa kabila nito, nananatili pa ring mas mababa ang naturang antas mula sa Normal High Water Level (NHWL) na 210 meters.

Ayon sa weather bureau, bagaman tumigil na ang mga serye ng pag-ulan sa watershed area ng Angat Dam, tuloy pa rin ang pagtaas ng antas nito at sa nakalipas na 24 oras ay muling nadagdagan ng halos isang metro ang lebel nito.

Ang naturang dam ang pangunahing supplier ng malinis na tubig sa Mega Manila at irrigation water sa libu-libong ektarya ng sakahan sa Central Luzon.