-- Advertisements --

Bumababa na sa critical low ang tubig sa Angat Dam, dahilan upang matuyo ang ilang bahagi ng reservoir at magdulot ng pangamba sa suplay ng tubig sa Metro Manila at mga karatig-lugar.

Ayon sa Philippine Atmospheric, Geophysical and Astronomical Services Administration (PAGASA), naitala ang water level ng Angat Dam sa mahigit 152 metro above sea level, mas mababa sa minimum operating level na 156 metro at malayo sa normal operating level nitong 180 metro.

Dahil sa patuloy na pagbaba ng tubig, lumitaw na ang malalawak na bahagi ng putikan sa ilang lugar ng reservoir. Ayon sa PAGASA, tuloy-tuloy na pag-ulan sa watershed ang kinakailangan upang muling tumaas ang lebel ng tubig.

Nagpulong na rin ang lokal na pamahalaan ng San Jose del Monte, Bulacan at ilang ahensya ng gobyerno upang pag-usapan ang mga pangmatagalang solusyon sa lumalalang kakulangan sa suplay ng tubig.

Nagbabala rin ang mga awtoridad na posibleng bumaba pa sa 149 metro ang water level ng Angat Dam pagsapit ng katapusan ng linggo kung hindi uulan sa watershed.