-- Advertisements --

Naghain si Senador JV Ejercito ng panukalang batas na naglalayong itaas sa P600,000 ang taunang income tax exemption.

Sa isang pahayag, ipinaliwanag ng senador na inihain niya ang Senate Bill No. 2341 para amyendahan ang National Internal Revenue Code at hindi na isama pa ang mga empleyadong sumasahod ng P600,000 o mas mababa kada taon mula sa pagbubuwis, mula sa kasalukuyang threshold na P250,000.

Saad pa ng senador na hindi lamang ito isang reporma sa buwis kundi ito ay para sa mga middle-income earners na masigasig na kumakayod, nagbabayad ng kanilang buwis at patuloy na nagaambag sa ekonomiya sa kabila pa ng mataas na gastos sa pamumuhay.

Giit ng mambabatas na kailangang manatiling nakatutugon ang tax system ng bansa sa nagbabagong reyalidad sa ekonomiya na kinakaharap ng bawat pamilyang Pilipino.

Kayat ayon kay Ejercito, pangunahing layunin ng panukalang batas na mabawasan ang pasaning buwis ng mga manggagawang Pilipino na nasa middle-class at matiyak ang kanilang maiuuwing kita at mapalakas ang kanilang purchasing power.

Ipinunto rin ng senador na hindi lamang pansamantalang tugon sa inflation ang naturang panukala kundi pangmatagalang hakbang na naglalayong tulungan ang mga pamilyang Pilipino.