Inihayag ni Senator Panfilo “Ping” Lacson na may nakita umano silang ilang “kwestyonable” na lump sum appropriations para sa infrastructure projects sa panukalang P7.2-trillion 2027 national budget.
Ayon kay Lacson, hihingan nila ng detalye at paliwanag ang mga ito, na maaari ring talakayin sa Development Budget Coordination Committee (DBCC) briefing sa Agosto 27.
Ipinaliwanag niya na ang lump sum appropriation ay kabuuang pondong inilaan sa isang proyekto o programa nang walang detalyadong breakdown ng gastos.
Aniya, katanggap-tanggap ito para sa calamity funds, pero nagiging kwestiyonable kapag para sa infrastructure projects.
Sinabi rin ni Lacson na susuriin nila ang budget para sa posibleng special provisions na maaaring magamit sa pag-abuso sa unprogrammed appropriations.
Samantala, tiniyak ni Senate Finance Committee Chairman JV Ejercito na hindi niya papayagan ang mga budget insertion sa bicameral conference committee kung wala ang mga ito sa budget version ng Senado o House of Representatives.
















