-- Advertisements --

Sinabi ni defense spokesperson Atty. Michael Poa na naabot ng kampo ni Vice President Sara Duterte ang kanilang layunin sa pagpapatuloy ng cross-examination kay National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag.

Ayon kay Poa, kapansin-pansin na naging maikli ang naging pagtatanong ng depensa dahil nakatuon lamang ito sa mga bagong usaping nais nilang mailatag sa impeachment court, kabilang ang pahayag ni dating Davao Death Squad hitman Arturo Lascañas.

Nilinaw ni Poa na “statement” lamang ang tawag nila sa dokumento ni Lascañas dahil hindi ito notarized at, sa ilalim ng batas ng Pilipinas, hindi ito maituturing na affidavit.

Dagdag pa niya, bago pa magsimula ang pagdinig ay napag-usapan na nila ni defense counsel Atty. Mark Vinluan ang mga itatanong kay Matibag at inaasahan na nilang magiging maikli ang pagpapatuloy ng cross-examination dahil sa limitadong mga isyung nais nilang talakayin. (report by Bombo Jai)