Naniniwala ang isang public law expert na hindi sapat ang mga naiharap na ebidensiya at testimoniya ng mga testigo ng prosekusyon upang mahatulang nagkasala si Vice President Sara Duterte sa Article IV ng Articles of Impeachment.
Sa eksklusibong panayam ng Star FM Cebu, sinabi ni Atty. Ariel Inton na wala umanong dapat “tibagin” sa naging testimoniya ni National Bureau of Investigation (NBI) Director Melvin Matibag sa Senate Impeachment Court dahil, aniya, ang mga pahayag nito ay nagsilbi lamang na corroborative o pagpapatibay sa naunang testimoniya ng dalawang testigo mula rin sa NBI.
Gayunman, binigyang-diin ni Inton na sa ilalim ng cross-examination ay inamin ni Matibag na wala siyang personal na kaalaman sa mismong imbestigasyon ng NBI laban kay Vice President Duterte dahil hindi pa siya ang NBI Director nang isagawa ito.
Ayon kay Inton, maaari namang tumestigo si Matibag, ngunit dapat ay limitado lamang ang kanyang salaysay sa mga bagay na personal niyang nalalaman o direktang naranasan, alinsunod sa Rule 130, Section 22 ng Revised Rules of Evidence. Ipinaliwanag niyang ang isang testigo ay dapat magpatotoo batay sa sariling persepsyon at hindi sa mga impormasyong nalaman lamang mula sa iba.
Sinabi pa ni Inton na dahil sa pag-amin ni Matibag na wala siyang personal na kaalaman sa mga pangyayaring kanyang isinalaysay, nababawasan ang bigat ng naturang testimoniya maliban na lamang kung mapapatunayan ng prosekusyon na ito ay kabilang sa mga kinikilalang exception sa hearsay rule.
“Sa tingin ko, base sa testimonya ng tatlong NBI officials, kabilang si Director Matibag, hindi ito sapat para ma-impeach si Vice President Sara sa Article IV ng Articles of Impeachment. May prinsipyo sa batas na ang prosekusyon ang dapat magpresenta ng matibay na ebidensiya at hindi sila maaaring umasa sa kahinaan ng ebidensiya ng depensa,” ani Inton.
Dagdag pa niya, ang susunod na dapat abangan ay ang magiging presentasyon ng ebidensiya ng kampo ng depensa at kung kinakailangan pa nitong magharap ng mga testigo.
Binigyang-diin naman ni Inton na ang kanyang pagsusuri ay batay sa mga ebidensiyang naiprisinta sa kasalukuyan at nakasalalay pa rin sa Senate Impeachment Court ang pinal na pagpapasya sa kaso.
















