Sinabi ni Vice President Sara Duterte na posible umanong makakuha ng gun-for-hire sa Pilipinas sa halagang P5,000, habang inilalarawan ang aniya’y laganap na insidente ng gun violence sa bansa.
Sa kanyang talumpati sa “Free Duterte Now” rally sa labas ng International Criminal Court (ICC) nitong Miyerkules, Hulyo 29, gumamit ang Bise Presidente ng isang hypothetical situation na kinasasangkutan ng kanyang asawang si Atty. Manases “Mans” Carpio upang ipaliwanag ang kanyang punto.
Ayon sa Bise, kung sakaling magkaroon umano ng kabit ang kanyang asawa, maaari siyang umanong umupa ng gunman sa halagang P5,000 upang ipapatay ang naturang babae.
“I have a husband. My husband has a mistress. I can hire a gunman for ₱5,000 to kill the mistress. That is how, for ₱5,000, that is how bad gun violence in the Philippines is. And that is, again, yes, EJK,” pahayag ni VP Sara.
Ginamit ni VP Sara ang halimbawa upang igiit na seryosong problema ang gun violence sa Pilipinas at iniuugnay ito sa usapin ng extrajudicial killings (EJK).
Patuloy pa naming kinukuha ang panig ni VP Sara.
















