Ibinasura ng South Korea police ang reklamong isinampa laban sa aktor na si Kim Soo Hyun kaugnay ng alegasyong nakipagrelasyon umano siya sa yumaong aktres na si Kim Sae Ron noong menor de edad pa ito.
Batay sa ulat ng Yonhap News Agency, nagpasya ang Seoul Seongdong Police Station na huwag nang ituloy ang kaso dahil sa kakulangan ng ebidensya.
Nagsimula ang usapin matapos akusahan ng pamilya ni Kim Sae Ron ang aktor na nakipagrelasyon umano sa aktres habang ito ay menor de edad pa.
Lumakas pa ang kontrobersiya matapos maglabas ng mga alegasyon ang YouTube channel na HoverLab Inc. laban kay Kim Soo Hyun.
Noong Abril 2025, nagsampa naman ng civil lawsuit ang aktor laban sa pamilya ni Kim Sae Ron at sa mga operator ng naturang YouTube channel.
Mariin ding itinanggi ni Kim Soo Hyun ang mga akusasyon. Aniya, nagkaroon sila ng relasyon ni Kim Sae Ron sa loob ng halos isang taon, ngunit nangyari ito noong pareho na silang nasa tamang edad.
Itinanggi rin ng aktor ang mga pahayag na may kinalaman umano siya sa pagkamatay ng aktres.
Pumanaw si Kim Sae Ron noong Pebrero 2025 sa edad na 24.
Nakilala siya sa mga pelikulang ”A Brand New Life” at ”The Man From Nowhere”, gayundin sa mga seryeng ”Hi! School Love On”, Can You ”Hear My Heart”, at ”The Queen’s Classroom.”
Samantala, si Kim Soo Hyun ay isa sa pinakakilalang South Korean actors, na sumikat sa mga hit drama na ”Queen of Tears,” ”It’s Okay to Not Be Okay,” at ”My Love from the Star.”












