Kinumpirma ng National Bureau of Investigation ang natanggap nitong ulat hinggil sa isang ‘explosion’ o pagsabog naganap sa bahagi ng Palawan.
Sa pahayag ng kawanihan, nakuha ang impormasyon mula sa kanilang Puerto Princesa City District Office (NBI-PUERDO) ukol sa insidente ng pagsabog sa Palawan.
Base sa inisyal na imbestigasyon, natuklasang ang mga residente sa lungsod ng Puerto Princesa ay nakarinig ng malakas na pagsabog nagmula sa kaulapan.
Inilarawan ang naturang tunog o ingay na isang matindi at umaalingawngaw na pagsabog na siyang nagdulot ng pangamba lalo na sa mga lokal.
Sa kasunod na beripikasyong isinagawa ng NBI, napag-alaman na ang pagsabog ay nataon kasabay sa nakaskedyul na ‘launching’ ng China’s Long March 12 rocket.
Naganap sa pagitan bandang 6:14 at 6:42 ng gabi mula Hainan International Commercial Launch Center sa Wenchang, Hainan province ng China.
Buhat nito’y hinimok ni NBI Director at Retired Judge Jaime B. Santiago ang publiko na iwasang galawin ang anumang matagpuan na umano’y tira-tira o fragments nanggaling sa naturang rocket.
Aniya’y ito ay dahil sa potensyal o maaring pagkakaroon ng ‘toxic fuel residues’ na delikado sa kalusugan ng isang tao.