-- Advertisements --
image 402

Isiniwalat ng Department of Foreign Affairs na hanggang sa ngayon ay wala pa ring natatanggap na anumang compensation mula sa employer ang naulilang kaanak ng ginahasa, sinagasaan, sinunog at pinaslang na ng overseas Filipino worker na si Jullebee Ranara.

Ayon kay DFA Undersecretary Eduardo de Vega, lahat ng nakuhang benepisyo ng pamilya ni Ranara ay nagmula sa pamahalaan ng Pilipinas, kabilang na ang mga tulong na ipinaabot ng Department of Migrant Workers, Overseas Workers Welfare Administration at hindi ito nagmula sa employer ng biktima.

Aniya, hanggang sa kasalukuyan ay hinihintay pa rin ng pamilya ni Ranara ang moral damages na dapat ibigay ng employer nito nang dahil sa karumal-dumal na pagpatay sa biktima.

Samantala, dagdag pa ni De Vega na sa ngayon ay hinihintay pa nila ang pinal na desisyon hinggil sa kasong ito dahil dito aniya nakasaad kung magkano ang kinakailangang bayarang damages ng mga akusado sa pamilya ng biktima.

Kung maaalala, hinatulan ng 15 taon na pagkakakulong ang suspek sa pamamaslang kay Ranara na anak ng kaniyang pinapasukang mga amo sa Kuwait.

Binigyan ito ng korte ng 30 araw para maghain ng apela sa naturang hatol sa Court of First Instance.

Matatandaang natagpuan ang sunog na bangkay ni Ranara sa isang disyerto noong Enero, na kalauna’y napag-alaman din ng mga otoridad na ginahasa at nabuntis siya ng 17-taong gulang na suspek sa nasabing krimen