Tinukoy na ni Defense Secretary Delfin Lorenzana ang nationalities ng pitong foreign terrorists na kasalukuyang kasa-kasama ng Abu Sayyaf Group (ASG), Bangsamoro Islamic Freedom Fighters, at Dawlah Islamiyah sa Western Mindanao.

Sa panayam kay Lorenzana, kaniyang sinabi na maaaring Egyptian, Malaysian, Indonesian at Singaporean ang mga ito na mayroon na ring identity.

Ang mga nasabing foreign terrorists ay nasa grupo ni ASG leader Hatib Hajan Sawadjaan na siyang kinikilalang Islamic State of Iraq and Syria emir sa Pilipinas.

Una nang kinumpirma ni Western Mindanao Command commander Lieutenant General Cirilito Sobejana ang presensiya ng pitong banyagang terorista sa Sulu, Basilan at Central Mindanao.

Kinumpirma rin ni Sobejana na nasa 42 hinihinalaang foreign terrorists ang nasa watchlist ng Armed Forces of the Philippines ang mahigpit na minomonitor ng militar.