-- Advertisements --

Sabay-sabay na pinatunog ng Philippine Navy, Philippine Coast Guard, at Bureau of Fisheries and Aquatic Resources ang mga tambuli ng kani-kanilang mga barko bilang pakiki-isa sa anibersaryo ng 2016 Permanent Court of Arbitration ruling ngayong araw, July 12.

Sinamahan din ng mga merchant ship sa iba’t-ibang katubigan ng bansa ang ginawang pagpapatunog bilang tanda ng kanilang pagsuporta sa ruling.

Ito na ang ika-siyam na taon mula nang ilabas ng Permanent Court ang ruling nito, pabor sa claim ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Samantala, sa pahayag na inilabas ng Presidential Office for Maritime Concerns ngayong araw, ang sabay-sabay na pagpapatunog sa tambuli ng mga barko ay isang kolektibong pag-alala at pagpapakita ng pagkakabuklod ng bansa.

Ito ay nagsisilbing boses ng mga manlalayag, coastal communities, at ng buong Pilipinas na umaalingawngaw sa lahat ng mga pantalan at katubigan ng bansa.

Ito ay bahagi ng pagdedeklara na ang Pilipinas ay mananatiling titinding sa pagpapairal ng batas sa buong maritime domain ng bansa.

Taong 2016 noong inilabas ng Permanent Court of Arbitration ang ruling na pumapabor sa paninindigan ng Pilipinas na ang WPS ay bahagi ng teritoryo ng bansa, taliwas sa claims ng China.