(Update) LEGAZPI CITY – Ibabiyahe sana patungong Eastern Visayas ang kilo-kilong pinaniniwalaang shabu na nasabat sa pantalan ng Matnog, Sorsogon sa Barangay Camcaman.
Kahapon nang tinangkang ipuslit sa pinakamalaking pantalan ng Bicol ang nasa 20 kilo ng kontrabando na tinatayang aabutin ng P136 million ang market value, kasabay ng pagkakaaresto sa mga nagngangalang Irish Yap Dela Pena at Jose Lani Abarido Racaza.
Sa ekslusibong panayam ng Bombo Radyo Legazpi kay PO1 Eric Geronga, assistant substation commander ng Philippine Coast Guard (PCG)-Matnog, lulan ang dalawa ng pampasaherong bus mula sa Metro Manila at patungo sana sa Negros.
Nang ikutan ng tatlong K-9 dogs ang maleta na naglalaman ng mga kontrabando, mistulang itatanggi pa sana ng mga ito na sa kanila ang gamit.
Subalit sa tulong ng footage mula sa naka-install na closed circuit television sa port, positibong kinilala ang mga suspek na ngayon ay nasa kustodiya na ng Philippine Drug Enforcement Agency (PDEA)-Bicol na nanguna sa joint operation.
Samantala, pinuri ng Sorsogon Police Provincial Office ang tulong ng pulisya sa operasyon na pinangunahan ng PDEA-Regional Office 5.
Kasabay nito, nangako ang provincial command ng pulisya sa pangunguna ni P/Col. Roque Bausa, officer in-charge ng Sorsogon-Police Provincial Office, sa patuloy na pagsuporta sa kampanya ng PDEA laban sa iligal na droga.