-- Advertisements --

CENTRAL MINDANAO-Personal na alitan ang natatanaw na motibo ng mga otoridad sa pananambang sa isang incumbent municipal councilor at mga kasamahan nito sa lalawigan ng Maguindanao.

Nakilala ang binawian ng buhay na si Morsid Midtimbang Lauban, 40 anyos,may asawa at Municipal Councilor ng Guindulungan Maguindanao.

Sugatan naman ang dalawang kamag-anak nito na sina alyas Wahid at alyas Kamsa,mga security escort umano ng konsehal.

Matatandaan na habang lulan ang mga biktima sa isang toyota pick-up mula sa Cotabato City ngunit pagsapit nila sa hangganan ng Guindulungan at Talayan Maguindanao malapit sa Tambunan bridge ay doon na ito tinambangan ng mga hindi kilalang armadong kalalakihan gamit ang mga matataas na uri ng armas.

Mabilis namang tumakas ang mga suspek na sakay umano ng isang multicab.

Agad binawian ng buhay si Lauban nang magtamo ng maraming tama ng bala sa kanyang katawan habang dinala naman sa Cotabato Regional and Medical Center (CRMC) sa Cotabato City ang dalawa nitong close-in escort.

Mariin namang kinondena ni Guindulungan Mayor Midpantao Midtimbang Jr ang pananambang kay Councilor Lauban at dalawa nitong kamag-anak.

Mismo ang pamilya ni Konsehal Lauban ang nagsabi na tukoy na nila ang mga suspek at hayaan na nila ang mga otoridad na mag-imbestiga.

Sa ngayon ay nagpapatuloy ang imbestigasyon ng Guindulungan at Talayan PNP sa pananambang sa mga biktima.