-- Advertisements --

Nadagdagan pa ang bilang ng kumpirmadong election related incidents na naitala ng Philippine National Police sa nakalipas na halalan ngayong taon.

Batay sa datos ng Pambansang Pulisya, umabot na ito sa kabuuang 74 validated election-related incidents.

Ang bilang na ito ay mula sa kabuuang 171 insidente na naitala noong nakalipas na eleksyon kung saan 74 lamang dito ang nakumpirmang election-related incidents.

Ayon sa PNP, aabot naman sa 43 ang naitalang suspected ERI.

Sa isang pahayag ay sinabi ni PNP Public Information Office Chief PCol. Randulf Tuaño, mula sa 74 validated election-related incidents, pinakamarami dito ay mga kaso ng pamamaril na umabot na sa 27.

Bukod dito ay naiulat rin ang mga kaso ng pananakit, pananakot, panggigipit, at ibang mga uri ng karahasan na naganap sa buong panahon ng 2025 midterm elections.

Mas mababa naman ang validated election-related incidents na naitala ngayong 2025 kumpara sa parehong kaso na naitala noong nakalipas na dalawang taon.