Inanunsyo ng Department of Budget and Management (DBM) na simula Huwebes ay tatanggap na ng kanilang mid-year bonus ang mga kwalipikadong kawani ng gobyerno, kabilang ang mga sibilyan, militar, at uniformed personnel.
Ayon kay Budget Secretary Amenah Pangandaman, inilaan ng gobyerno ang kabuuang P63.695 billion para sa 2025 mid-year bonus kung saan hahatiin ito sa P47.587 billion para sa civilian personnel at P16.108 billion para sa military at uniformed personnel.
Sinabi rin ng kalihim na na-release na noong Enero 2025 ang pondo sa lahat ng implementing agencies, kaya’t nanawagan siyang agad itong maipamahagi sa mga tauhan ng mga ahensya at local government units (LGUs).
Batay sa DBM Budget Circular No. 2017-2, makatatanggap ng mid-year bonus ang mga empleyadong nakapaglingkod ng hindi bababa sa apat na buwan mula Hulyo 1 ng nakaraang taon hanggang Mayo 15 ng kasalukuyang taon.
Nakakuha ng katanggap-tanggap na performance rating sa nakaraang rating period
Sakop ng mid-year bonus ang lahat ng civilian positions (regular, casual, contractual, appointive o elective), full-time o part-time, sa tatlong sangay ng pamahalaan, mga constitutional offices, GOCCs na sakop ng Compensation and Position Classification System, mga State Universities and Colleges, at LGUs. Kwalipikado rin ang mga military at uniformed personnel.