Gumawa ng kasaysayan ang isa nanamang Pinoy matapos makarating sa tuktok ng pinakamataas na bundok sa buong mundo na Mt. Everest.
Si Rhisael “Ric” Rabe na tubong Cotabato City ang pinakabago o pang-anim na Pilipinong nakatuntong sa tuktok ng bundok dakong alas-7:15 ng umaga noong Huwebes, Mayo 15, oras sa Nepal. Ito ay makalipas ang halos dalawang dekada mula ng maitala ang unang mountaineer mula sa Pilipinas na nakaakyat sa Mt. Everest.
Ayon sa maybahay ni Rabe, walang sponsor at hindi isinapubliko ang pagsama ng kaniyang mister sa naturang expedition, at tahimik na determinado at ngayon ay narating na ang summit ng bundok.
Inihayag din niya na hindi pa natatapos ang journey ng kaniyang mister hangga’t makababa ito mula sa bundok at makauwi ng ligtas.
Kasama ni Rabe na matagumpay na nakarating sa summit ang tatlong Nepalese, isang Indian at isang British mountaineer.
Samantala, dalawa pang Pilipino ang tatangkaing marating ang summit kabilang dito sina Jeno Panganiban at Miguel Mapalad na pinangungunahan ng Philippine 14 Peaks Expedition Team.
Huling nakapagtala ng Pilipinong nakaakyat sa Mt. Everest ay noong 2007 na sina Noelle Wenceslao, Janel Belarmino at Carina Dayondon.