-- Advertisements --

Kinumpirma ni Senator-elect Vicente “Tito” Sotto na mayroon nang kumakausap sa kanya para tumakbong Senate President sa pagpasok ng 20th Congress. 

Sa panayam, sinabi ni Sotto na nasa tatlo hanggang apat na mga senador ang kumakausap sa kanya. 

Ngunit, paglilinaw ni Sotto na hindi siya nag-iikot para magpapirma ng mga susuporta sa kanya para maging pangulo ng Senado. 

Pero kung makabuo aniya siya nang sapat na bilang ng mga senador na gusto siyang maging Senate President ay tatanggapin niya raw ito. 

Samantala, plano naman daw kausapin ni Sotto si Senador Francis Chiz Escudero, ang kasalukuyang Senate President, kung sakaling may sapat na bilang na nagnanais na maging pangulo siya ng Senado. 

Sa ngayon, hindi pa raw sila nakakapag-usap ni Escudero. 

Sinabi pa ni Sotto na kung hindi siya ihahalal ng mga kasamahan niyang senador bilang Senate President, hihilingin niyang hawakan ang Committee on Ethics upang maibaik ang maayos na imahe ng Senado. 

Samantala, una nang sinabi ni Escudero na iiwan niya ang pasya sa mayorya kung siya pa rin ang mamumuno sa Senado o kung pipili sila ng bagong lider.