-- Advertisements --

Kinumpirma ng Western Mindanao Command (Westmincom) ang nangyaring pamamaril sa Barangay Langil, Hadji Mohammad Adjul, Basilan noong Linggo, Mayo 11, isang araw bago ang midterm elections, kung saan apat ang nasawi sa insidente.

Kinilala ang mga napatay na sina Addahang “Marlboro” Abdulla, 45, at Hajarani Maha, 63, parehong barangay tanod; at ang dalawang suspek na sina Jul-Asbi “Imbo” Misuari, 44, at Jun Awang, 39.

Ayon kay Col. J-jay Javines, tagapagsalita ng Westmincom, nagsagawa ng inspeksyon sina Abdulla at Maha sa isang primary school na magsisilbing presinto sa eleksyon nang sila’y pagbabarilin mula sa isang bahay malapit sa eskwelahan.
Dumating si Barangay Chairwoman Amna Pawaki at ang kanyang mga tauhan, na nauwi sa sagupaan kung saan napatay rin ang dalawang suspek.

Agad namang nagpadala ng dagdag na pwersa ang 101st Infantry Brigade upang tiyakin ang seguridad sa Barangay Langil at sa munisipyo ng Hadji Mohammad Adjul.

Sinimulan na rin ang clearing at hot pursuit operation laban sa mga tumakas na armadong salarin.

Samantala ngayong umaga, Mayo 12, binuksan na ang mga presinto at itinuloy ang halalan sa kabila ng insidente.

Hinimok naman ng militar ang publiko na bumoto nang mapayapa at ireport ang anumang impormasyon na makakatulong sa pagkakahuli sa mga suspek sa mga hotline ng Westmincom na 0917-504-4298 at 0977-076-6870.