-- Advertisements --

Naglatag ng hanggang 20 porsiyentong limit sa posibleng pagtaas ng pamasahe sa mga barko ang Maritime Industry Authority (MARINA) sa gitna ng inaasahang panibagong double-digit na pagtaas ng presyo ng langis ngayong linggo.

Ayon kay MARINA Spokesperson Louie Delos Santos, saklaw ng fare adjustment ang parehong passenger at cargo vessels.

Ipinaliwanag ng opisyal na umaabot sa 40 hanggang 60 porsiyento ng operational cost ng mga shipping company ang napupunta sa krudo kaya itinakda ang hanggang 20 porsiyentong fare hike dahil sa pabago-bagong presyo ng langis.

Hinimok din ng MARINA ang mga ship owner na pagsamahin o bawasan ang bilang ng biyahe upang mapuno ang kapasidad ng barko at makatipid sa gasolina.

Halimbawa, kung limang biyahe ang karaniwang ginagawa ng isang shipping company, maaari itong gawing tatlo upang mas mapuno ang espasyo.

Pinag-aaralan din ng pamahalaan ang paggamit ng digitalization upang mas ma-optimize ang mga ruta ng mga barko.

Babala naman ng ahensya na maglalabas sila ng show-cause order laban sa mga kumpanyang lalampas sa itinakdang fare hike ceiling.