-- Advertisements --

CAGAYAN DE ORO CITY – Gagamitin ng Police Regional Office 10 ang mga nabuong best practices sa katatapos lang na pagsagawa ng 2025 midterm elections na halos nagtala ng ‘zero election related violence’ sa Northern Mindanao para sa pinaghandaan na Barangay at Sangguniang Kabataan Elections sa Disyembre nitong taon.

Ito ay matapos iniulat ng Kampo Alagar na isang ordinaryong suntukan lang sa pagitan ng political supporters ng dalawang magkatunggali na kandidato sa Lanao del Norte ang naitala ng PRO 10 sa nagdaang May 12 elections sa rehiyon.

Sinabi ni PRO 10 spokesperson Major Joann Navarro na ang pagkamtan ng halos ‘zero election related violence’ ay bunga ng mga pagsisikap ng buong ‘stakeholders’ na tumugon sa ipinapatupad na security implementation plan ng pulisya kasama ang ibang deputized government agencies ng Commission on Elections para sa national at local elections nitong taon.

Kaugnay rito,katulad na security implementation plan pa rin o hihigitan pa ang ipapatupad ng PRO 10 para sa pinaghandaan na 2025 BSKE sa rehiyon.

Ito’y sapagkat itinuring na matindi ang labanan ng barangay candidates kung saan nagtala ng 15 election related incidents ang Northern Mindanao noong taong 2023.

Magugunitang sa katatapos lang ng halalan nitong taon,gumamit ang Kampo Alagar ng higit 12,000 government forces na kinabilangan ng sobra siyam na libong pulis maging karagdagang tatlong libo mula sa friendly forces para sa halalan at hindi pa kasali ang kauuwi lang na 400 na PRO 10 personnel na nagsilbing special election board members na ipinadala sa buong Lanao del Sur.