-- Advertisements --

Nakakuha ng mataas na voter turnout ang lalawigan ng Negros Oriental at Siquijor sa halalan ngayong taon ayon sa Commission on Elections (COMELEC).

Inihayag ni Atty. Lionel Marco Castillano, na nakapagtala ng 85.23 % ang Negros Oriental o 831,963 aktwal na botante kumpara sa 976,185 na rehistradong botante.

Nagtala naman ang Siquijor ng 91.84 % o 74,758 aktwal na botante kumpara sa 81,404 na rehistradong botante.

Ibinunyag pa ni Castillano na noong nakaraang halalan, nasa pagitan ng 65 hanggang 80 percent lamang ang average turnout sa nasabing mga lalawigan.

Nagpapakita pa umano ito na matagumpay ang pagsagawa ng halalan ngayong taon sa kabila ng mga naitalang mga minor technical glitches.

Iniugnay pa niya ang uptend na ito sa positibong pagbabago sa proseso botohan kabilang ang mas mahabang oras ng pagboto, at maagang pagboto para sa vulnerable sector.

Samantala, nanawagan naman ito sa lahat ng mga kandidato, nanalo man o natalo, na tanggalin ang kanilang mga campaign materials sa loob ng itinakdang panahon at huwag iasa sa poll body para gawin ang paglilinis.