-- Advertisements --

Magpapadala ang Pilipinas ng mas marami pang Pilipinong peacekeepers sa United Nation missions para sa mas ligtas at mas mapayapang mundo.

Ito ang ipinangako ni Department of National Defense (DND) Secretary Gilberto Teodoro, na kumakatawan sa Pilipinas sa UN Peacekeeping Ministerial Meeting sa Berlin, Germany, base sa inisyung statement ngayong araw ng Huwebes, Mayo 15. Dinaluhan ito ng mahigit 150 high-level delegations para talakayin ang hinaharap ng UN peacekeeping at pagtibayin pa ang suporta para mapunan ang mga puwang pagdating sa kapasidad sa peacekeeping operations.

Inanunsiyo ng kalihim na ipapadala ang isang Light Infantry Battalion mula sa Armed Forces of the Philippines at isang Formed Police Unit sa ilalim ng UN Peacekeeping Capability Readiness System.

Ipagpapatuloy din ng bansa ang pagdedeploy ng Military Observers at Individual Police Officers para suportahan ang Staff Offices ng UN Missions sa buong mundo.

Ayon sa DND, ang bagong pledges na ito ng PH ay karagdagan sa Quick Reaction Force Company at Military Construction Engineering Company.

Inanunsiyo din ni Sec. Teodoro ang pag-host ng PH sa UN Triangular Partnership Programme TRaining Courses sa ASEAN region mula 2029 hanggang 2030 at 2025 ASEAN Peacekeeping Staff Exercise sa Setyembre.

Nangako din ang PH na magpapadala ng UN-certified Military Mobile Training Teams para mapahusay pa ang kahandaan ng peacekeepers sa pagtugon ng mga sumisibol at nagpapatuloy na mga hamon.