Tinutugis na ngayon ng Pambansang Pulisya ang mga indibidwal na nasa likod ng pagpapakalat ng mga maling balita hinggil sa umano’y destabilisasyon laban sa administrasyon ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr.
Kasunod ito ng pagkakakaladkad ng pangalan nina PNP chief PGen Benjamin Acorda Jr., at AFP chief Gen. Romeo Brawner Jr. hinggil sa nasabing usapin kung saan lumalabas pa na ang mga naturang pinuno pa mismo ng Pambansang Pulisya at Sandatahang Lakas ng Pilipinas ang kumukumbinsi kay Pangulong Bongbong Marcos Jr. na bumaba na sa puwesto bilang punong ehekutibo ng Pilipinas.
Ayon kay PNP Public Information Office chief PCOL Jean Fajardo, inatasan na ni PNP Chief Acorda ang PNP Anti-Cybercrime Group, at ang lahat ng mga regional directors, at field commanders na paigtingin pa ang kanilang ginagawang cyber patrolling at i-validate ang lahat ng mga videos na may kaugnayan dito.
Layunin nito na matukoy ang source o pinagmulan ng nasabing mga maling balita na nagdudulot ng kasiraan sa naturang mga organisasyon at maging sa pagkakaisa ng pamahalaan.
Kasabay nito ay ang muli ring nagbabala ang pulisya hinggil sa mga kasong posibleng kaharapin ng sinumang mapapatunayang sangkot sa nasabing usapin tulad ng kasong paglabag sa Article 154 ng Revised Penal Code, in relation to RA 10175 o ang Cybercrime Prevention Act of 2012.
“Ang inyo pong Pambansang Pulisya ay nagsasagawa po ngayon ng intensified cyberpatrolling upang matukoy kung sino po ang source at origin ng mga nagpapakalat po nitong ganitong klaseng mga online post. Ito po ay para na rin po sa security at safety ng ating mga kababayan na maaaring maloko na mai-share at mai-publish itong mga ganitong post para lang to attain followers. Again, inuulit po natin to all spreader of fake news, we are monitoring you para matigil na po natin itong ganitong maling mga aktibidad, at once ma-identify po namin kayo ay we will file appropriate charges sa oras na matukoy po natin kung sino po ang mga nagpapakalat ng ganitong uri ng fake news gamit ang pangalan ni chief PNP.”
PNP Public Information Office chief, PCol. Jean Fajardo.
Kung maaalala, una nang kapwa pinabulaanan ng AFP at PNP ang mga alegasyong ipinupukol ni retired BGen. Johnny Macanas Sr. hinggil sa umano’y pangungumbinsi nina Brawner at Acorda kay Pangulong Marcos Jr.
Kasabay ng kanilang muling pagpapahayag ng katapatan sa kanilang mandato at sinumpaang tungkulin, partikular na sa punong ehekutibo ng ating bansa.