-- Advertisements --

Binuking ni Senador Ping” Lacson ang umano’y hindi bababa sa P51.82 bilyong halaga ng malabong “distinct” insertions sa 2026 National Expenditure Program (NEP), na nais niyang ipa-realign sa mga programang naaayon sa Philippine Medium-Term Development Plan.

Ayon kay Lacson, nakalaan ang pondong ito para sa flood management program sa Metro Manila at Regions 1 (Ilocos), 2 (Cagayan Valley), at 3 (Central Luzon). 

Nagkasundo rin umano siya at si Senate Finance Committee Chairman Senador Sherwin Gatchalian na alisin ang pondo para sa mga proyektong kahina-hinala at ilipat sa mas makabuluhang programa.

Kasabay nito, nakipag-ugnayan sila sa Department of Budget and Management (DBM) at Department of Public Works and Highways (DPWH) upang tiyakin na ang magiging amendments ay sang-ayon sa direksyon ng gobyerno. 

Sa briefing ng Development Budget Coordination Committee (DBCC), nilatag ni Lacson ang listahan ng mga proyektong tinukoy niya bilang kahina-hinala, kabilang ang:

  • 88 items na tig-P150 milyon ang halaga bawat isa o kabuuang P13.2 bilyon;
  • 373 items na tig-P100 milyon bawat isa o kabuuang P37.3 bilyon; at
  • 11 items na tig-P120 milyon bawat isa o kabuuang P1.32 bilyon.

Giit ni Lacson, isa itong uri ng “coded budget” na nagsasaad kung kanino napupunta ang mga proyekto. 

Dagdag pa niya, marami sa mga ito ay walang stationing o tiyak na lokasyon, na indikasyon ng mga ghost project.

Kaugnay nito, iminungkahi ng senador ang pagkakaroon ng executive session upang matukoy ng mga kapwa mambabatas kung aling development programs dapat ilipat ang mga naturang pondo. 

Samantala, tiniyak ni Budget Secretary Amenah Pangandaman na makikipag-ugnayan siya kay DPWH Secretary Vince Dizon hinggil dito.

Ayon kay Lacson, ang pagsawsaw ng ilang kontratista at mambabatas sa pagpapatupad ng proyekto ang dahilan kung bakit nabubuo ang mga insertion sa NEP. 

Ibinunyag din ng senador na may partisipasyon umano ang ilang opisyal ng DPWH sa maagang insertions. 

Isiniwalat niyang nakatanggap ng tawag ang staff ni Senate Minority Leader Vicente Sotto III mula sa isang kinatawan ng DPWH na humihiling ng proyekto para maisingit sa NEP. 

Tumanggi si Sotto at sinabing hindi siya papayag na magsumite ng ganitong proyekto.