-- Advertisements --

Kinumpirma ni Marikina Representative Marcy Teodoro ang reentry nang mga nakumpleto ng flood control projects sa kaniyang siyudad at road repairs o rehabilitasyon sa mga maayos na daan na nakapaloob sa 2026 National Expenditure Programs (NEP) na isinumite ng Department of Budget and Management (DBM) sa House of Representatives.

Umalma si Teodoro dahil nakumpleto na ang mga nasabing proyekto subalit napondohan muli sa 2026 national budget.

Inihayag ni Teodoro na na may ilang item sa 2026 national budget ang kanyang napansin at sinabihan niya si DPWH Secretary Manuel Bonoan na noong 2023 pa lamang ay may project na ginawa slope protection sa Balanti Creek sa Barangay Sto. Niño na tapos na pero nakita niya na may item na nakasama under flood mitigation program na gagawin pa ulit.

Sinegundahan ni Teodoro ang isiniwalat ni Deputy Speaker at Antipolo City Rep. Ronaldo Puno na may mga flood control projects sa 2026 NEP ang nakumpleto na.

Sinabi ni Teodoro na hiningan niya ng paliwanag ang DPWH kaugnay sa nangyaring duplication na nanggaling sa DPWH listings at hindi sa House of Representatives.

Inihayag ni Teodoro na nagulat din si DPWH Secretary Manuel Bonoan kung bakit nagkaroon ng reentry ng proyekto.

Dahil dito, pinagpapaliwanag ni Bonoan ang Regional Director ng DPWH sa NCR dahil ang line item na ito ay ipatutupad ng Central Office at ng National Capital Region.

Binigyang-diin ni Teodoro na dapat mayruong konsultasyon sa mga LGUs para sa mga proyekto.

Panawagan ni Teodoro sa DPWH na dapat ang mga proyekto ay kinokonsulta sa mga local government.

Ayon sa Kongresista, nakita niya sa NEP na isinumite ng DPWH na halos wala pa sa kalahati ng 331 meters ang magagawa sa susunod na taon dahil hindi sapa ang pondo para makumpleto ang 361 meters.

Kinuwestiyon ni Teodoro ang hindi pagsasagawa ng validation at feasibility study para matukoy ang mga gagawing proyekto.

“Nakakahiya, mahiya na tayo talaga naman. Pag nakita mo sila sa loob ng evacuation center, pag nakita mo yung mga batang maliliit na binaha ang mga tahanan… Nakakahiya, malaking kasalanan ito para sa mga tao,” pahayag ni Teodoro.