-- Advertisements --

Nasa pitong bilyong piso na ang na-freeze ng Anti Money Laundering Council o AMLC sa web  of accounts ng mga personalidad na konektado sa maanomalyang flood control projects. 

Ito ang sinabi ni Senate Committee on Finance Chairman Senator Sherwin Gatchalian sa tanong ni Senate President Pro Tempore Ping Lacson sa deliberasyon ng budget ng AMLC para sa 2026. 

Ayon kay Lacson, sinimulan na ng AMLC ang pag-freeze sa “web of accounts” ng mga personalidad na konektado sa korapsyon—kabilang ang mga substandard at ghost flood control projects. 

May kapangyarihan aniya ang ahensya na palawakin pa ang kanilang aksyon upang mahabol ang pondo na nailipat na sa mga kamag-anak o kaibigan ng nasasangkot.

Iginiit ni Gatchalian, umaasa naman ang AMLC na maaari silang makarekober nang tatlong beses pa ng halagang na-freeze na ito. 

Samantala, dahil sa intervention ni Lacson, ibinalik ng Senate finance committee ang inirekomendang pondo ng AMLC para sa 2026 na nagkakahalaga ng P333 milyon.

Ayon kay Gatchalian, ibinalik sa P333 milyon ang budget ng AMLC sa Senate version ng budget bill, mula sa P170.161 milyon na nakapaloob sa National Expenditure Program (NEP).

Noong Setyembre 15, tiniyak ni Lacson sa AMLC sa committee hearing ang kanyang suporta upang makuha ang kinakailangang pondo laban sa money laundering at korapsyon, matapos niyang ipakita na maliit lamang ang ibinigay sa NEP. 

Humiling ang AMLC sa Department of Budget and Management ng P333.1 milyon para sa 2026, ngunit P170.161 milyon lamang ang inirekomenda.

Sinabi ni Lacson na ang karagdagang requirements ng AMLC ay mas maliit pa kaysa sa komisyon at SOP na hinihingi ng ilang opisyal ng Department of Public Works and Highways at ilang lawmaker-proponent.