-- Advertisements --

Nananawagan ang Pilipinas kapwa sa Amerika at Venezuela para sa paggalang sa international law, pagpapairal ng pagtitimpi at pagpapanumbalik ng kapayapaan at kaayusan sa Venezuela.

Gayundin, para sa kapakanan at kaligtasan ng lahat ng mamamayan doon kabilang ang mga Pilipinong naninirahan sa Venezuela at nakapalibot na bansa.

Sa isang statement, ipinaabot ng Department of Foreign Affairs (DFA) ang pag-aalala ng Pilipinas sa mga kaganapan sa Venezuela at ang epekto nito sa kapayapaan at katatagan sa rehiyon gayundin sa rules-based international order.

Ayon sa ahensiya, bagamat kinikilala ng Pilipinas ang mga pinagbabatayang konsiderasyon ng Amerika kaugnay sa seguridad, binigyang diin ng bansa ang mga pagtalima sa mga prinsipyo ng international law kabilang ang kasarinlan at sovereign equality ng bawat estado, ang mapayapang pagresolba sa alitan, pagbabawal sa paggamit ng banta o pwersa at hindi pakikialam sa panloob na isyu ng sovereign states.