-- Advertisements --

Iginiit ni Armed Forces of the Philippines Chief of Staff, Gen. Romeo Brawner Jr. na hindi pa kinakailangan sa ngayon na muling pagtibayin ang Mutual Defense Treaty ng Pilipinas at Estados Unidos.

Sa kabila ito ng magkasunod na insidente ng panghaharass ng China sa mga barko ng Pilipinas sa West Philippine Sea.

Paliwanag ni Gen. Brawner, hindi pa kinakailangan sa ngayon ang na i-invoke Mutual Defense Treaty ng ating bansa sa Estados Unidos sapagkat ginagawa lamang aniya ito sa tuwing nagkaakroon ng armadong pag-atake sa alinmang bansa na kabilang sa naturang kasunduan.

Aniya, bagama’t nagsagawa ng water cannoning ang China Coast Guard sa mga barko ng Pilipinas ay hindi naman ito maituturing na armadong pag-atake.

Ayon sa heneral, batay sa kaniyang personal na karanasan, gumamit ng “gray zone tactics” ang China na isang non-military na pamamaraan para sa kanilang political objectives.

Ngunit ang gawain na ito aniya ay itinuturing na illegal, coercive, aggressive, dangerous, at deceptive actions.

Kung maaalala, nitong nakalipas na weekend ay binomba ng China Coast Guard ng water cannon ang barko ng Bureau of Fisheries and Aquatic Resources na magsusupply lamang sana sa mga Pilipinong mangingisda sa Bajo de Masinloc shoal, gayundin ang supply boat ng Pilipinas na Unaizah Mae 1 na kinalululanan pa mismo ni AFP chief Brawner sa kaniyang personal na pagbisita sa mga tropa ng militar na nakabase sa BRP Sierra Madre.