-- Advertisements --

Inaasahang ililikas sa mga darating na linggo ang nasa 30 hanggang 50 batang Palestinian na malubha ang karamdaman o sugatan mula Gaza patungong United Kingdom (UK) upang tumanggap ng medikal na atensyon, ayon sa ulat ng BBC.

Ito ang unang pagkakataon na magdadala ang UK ng mga batang Palestinian sa ilalim ng isang opisyal na operasyon ng pamahalaan, sa koordinasyon ng Foreign Office, Home Office, at Department of Health.

Ang pagpili sa mga bata ay isasagawa ng World Health Organization (WHO), at sasamahan sila ng mga kamag-anak sa upang umalalay kung saan isasagawa ang biometric screening.

Ang hakbang ay kasunod ng panawagan ng 96 miyembro ng parliament mula sa iba’t ibang partido na agarang tulungan ang mga batang nangangailangan ng medikal na atensyon, sa gitna ng halos tuluyang pagbagsak ng sistemang pangkalusugan sa Gaza.

Una nang may ilang bata ang dinala sa UK sa pamamagitan ng isang pribadong organisasyon ngunit ito naman ang kauna-unahang opisyal na programa ng gobyerno sa ilalim ng tumitinding sigalot sa rehiyon.

Wala pang tiyak na detalye kung anong bansa ang magiging transit point, ilan eksakto ang maililikas, o kung may kasunod pang grupo ang pupunta sa UK.

Dahil sa kahirapan ng pagbabalik sa Gaza, posible umanong pumasok sa asylum system ng UK ang ilan sa mga batang ito pagkatapos ng gamutan.

Samantala batay sa datos ng UNICEF, mahigit 50,000 batang Palestinian na ang nasawi o nasugatan simula nang magsimula ang digmaan noong Oktubre 2023. Higit 60,000 katao naman ang naiulat na nasawi sa Gaza ayon sa Hamas-run health ministry.

Magugunitang ang opensiba ng Israel ay tugon sa pag-atake ng Hamas sa Israel noong Oktubre 7, 2023, kung saan humigit-kumulang 1,200 katao ang napatay at 251 ang binihag.