Ipagpapatuloy na ngayong Martes ang indirect talks na naglalayong magkaroon ng pinal na kasunduan sa peace plan ni US President Donald Trump para waksan na ang giyera sa pagitan ng Israel at Hamas sa Gaza, na nasa ikalawang taon na mula nang sumiklab noong Oktubre 7, 2023.
Isasagawa ang naturang pag-uusap sa pagitan ng mga opisyal ng Palestine at Egypt sa Egyptian City na Sharm El-Sheik.
Ayon sa mga opisyal, nakapokus ang mga isasagawang sesyon sa paglikha ng kondisyon kabilang ang posibleng palitan na inaasahang magbibigay daan sa pagpapalaya ng mga bihag na Israeli kapalit ng pagpapakawala sa mga presong Palestinian.
Ang ikalawang araw ng pag-uusap, kung saan magkakaroon rin ng shuttle meetings sa pagitan ng Egyptian at Qatari officials kasama ang mga delegasyon mula sa Israel at Hamas nang magkahiwalay ay isasagawa kasabay ng ikalawang anibersaryo ng sorpresang pag-atake ng Hamas sa southern Israel na kumitil ng 1,200 katao at binihag ang nasa 251 katao patungo sa Gaza.
Sa isang statement, kasabay ng paggunita sa anibersaryo ng pag-atake, ilang world leaders din ang nagbigay ng sentimyento at panawagan sa pagtatapos na ng giyera.
Sinabi ni UN Sec. Gen. Antonio Gutteres na ang plano ni Trump ay nagpapakita ng isang pagkakataon na kailangang samantalahin para matuldukan na ang naturang trahedya.
Binigyang diin naman ni UK Prime Minister Keir Starmer ang kaniyang suporta para sa plano ni Trump tungo sa kapayapaan sa Gitnang Silangan at gagawin aniya ng kanilang gobyerno ang lahat ng kanilang makakaya sa ilalim ng kanilang kapangyarihan para mamuhay ng mapayapa kada araw ang bawat bata sa Israel gayundin sa Palestine.