-- Advertisements --

Muling nanawagan ang Pilipinas sa Israel na agad na itigil ang mga pag-ukupa sa Gaza na umano’y nagdudulot ng matinding krisis at nagresulta sa pagkamatay ng libu-libong sibilyan, kabilang ang mga kababaihan at mga bata.

Sa naging talumpati ni Philippine Foreign Affairs Secretary Theresa Lazaro sa United Nations General Assembly, sinabi nito na dapat nang wakasan ang pagdurusa ng mga taong namumuhay sa gutom at takot sa Gaza.

Iginiit din ni Lazaro na ang “two-state solution” ang tanging daan tungo sa pangmatagalang kapayapaan sa pagitan ng Israel at Palestine.

Tinuligsa rin ng Pilipinas ang patuloy na digmaan sa Ukraine at nanawagan ng paggalang sa soberanya at teritoryo ng bansa.

Bukod sa Gaza at Ukraine, binigyang-diin din ni Lazaro ang pangangailangang tugunan ang iba pang krisis sa Sudan, Syria, Afghanistan, DR Congo, Sahel region, at sa Rohingya.

Inanunsyo rin ng Pilipinas ang kandidatura nito para sa non-permanent seat sa UN Security Council para sa taong 2027–2028.