-- Advertisements --

Inihayag ng Department of Justice na kanilang hindi umano inasahan ang isinumiteng ‘resignation’ ng kasalukuyang direktor ng National Bureau of Investigation na si Retired Judge Jaime B. Santiago.

Ayon kay Justice Assistant Secretary at Spokesperson Mico Clavano, ikinagulat raw ng kagawaran ang pagbibitiw ni NBI Chief Santiago.

Kaya’t kanyang binigyang pag-alala ang maganda nitonfg ipinakita bilang pinuno ng kawanihan na siyang aniya’y nagustuhan naman ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla.

Habang bahagyang may pagkadismaya naman niyang ibinahagi na ang pagbibitiw ni NBI Chief Santiago ay hindi na magbabago pa sapagkat ito’y isang ‘irrevocable resignation’.

Bagama’t hindi partikular o tiyak ang nagging rason, ayon kay Justice Spokersperson Clavano, personal umano itong desisyon ni retired judge Santiago.

“Syempre nagulat din po kami sa Department of Justice dahil sa pagbitaw sa pwesto ni Director Jimmy Santiago, isa po siyang dating police, isa din dati siyang judge,” ani Assistant Secretary Mico Clavano ng Department of Justice.

“Ngayon naging direktor siya ay nagustuhan naman po ni Secretary Remulla yung mga ginagawa po niya lalo na mga raids na ginagawa po natin kaso nga lang meron siyang mga personal na rason kung bakit siya nag-resign,” ani pa Justice Spokesperson Mico Clavano.

Nang matanong naman kung mayroon ng inirerekumenda ang Department of Justice bilang kapalit ni NBI Chief Santiago, kanyang sinabi na mas mainam na mula ito sa law enforcement cluster ng kagawaran.

Dito niya ibinahagi na posibleng si Justice Undersecretary Jesse Andres ang pamalit pansamantala o ‘Officer-in-charge’ ng National Bureau of Investigation.

“Well we are floating names from the cluster that the NBI is under. So the NBI under the DOJ falls under the law enforcement cluster kaya po yung head ng law enforcement cluster ang gusto nating maging acting NBI Director, Usec. Jesse Andres,” ani ASec. Mico Clavano ng DOJ.

Ngunit ito naman ay binigyang linaw ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla sa kanyang sinabi na ang pagtatalaga ng ‘OIC’ ay wala umano sa kanyang opsyon.

Bilang pagrespeto aniya ito sa isinumiteng ‘resignation’ ni Retired Judge Jaime Santiago kung saa’y nakasaad na siya’y mananatili sa puwesto hangga’t wala pang nailalagay bilang kapalit na panibago.

“Ano nga eh, sabi sa kanyang request sa kanyang resignation is that he will stay on until the appointment of his successor. So the thought of an OIC does not crossed my mind now,” ani Secretary Jesus Crispin Remulla ng Department of Justice.

Maaalalang nagsumite ng kanyang ‘irrevocable resignation’ si National Bureau of Investigation Director Jaime B. Santiago kamakailan upang magbitiw mula sa pwesto.