-- Advertisements --

Inamin ni Vice President Sara Duterte na inaasahan niyang babawasan ang P903 million na panukalang budget ng Office of the Vice President (OVP) para sa 2026 sa sandaling ito ay talakayin sa Kongreso.

Aniya, hindi na siya umaasa ng dagdag pondo dahil pareho din aniya ang liderato ng administrasyon.

Matatandaang binawasan ng Kongreso ang OVP budget mula sa P2 billion patungong P733 million noong nakaraang taon dahil sa pagtanggi ni Duterte na sagutin ang mga tanong kaugnay ng paggamit ng pondo ng OVP kabilang ang confidential funds.

Para sa 2026, itinaas sa P903 million ang panukalang budget ng OVP, ngunit ayon kay OVP spokesperson Ruth Castelo wala silang hihinging confidential fund.

Samantala, itinanggi naman ng Pangalawang Pangulo ang alegasyong “habitual absence” at iginiit na wala itong basehan.

Hinamon din niya ang mga mambabatas na ilabas ang sarili nilang travel records bago siya akusahan ng labis na pag-travel.

Aniya, ang kanyang mga biyahe ay bahagi ng pagtugon sa hinaing ng mga Pilipino sa ibang bansa at upang dalawin ang kanyang amang si dating Pangulong Rodrigo Duterte, na kasalukuyang nakakulong sa ICC sa The Hague.

Samantala, kaugnay ng isinampang impeachment laban sa kanya, muling tiniyak ni VP Duterte na handa siyang ipaliwanag ang panig ng OVP sa tamang forum.

Sa kabilang banda, muling tiniyak ni VP Duterte na handa siyang ipaliwanag ang panig ng OVP kaugnay ng mga umano’y maanumalyang paggamit ng OVP funds sa tamang forum.

Una rito, in-archive ng Senado ang impeachment case ng Pangalawang Pangulo matapos ideklarang unconstitutional ng Korte Suprema.