KORONADAL CITY – Asahan umanong madadagdagan pa ang mga kasong isasampa laban sa Kabus Padatuon (KAPA) Community Ministry International founder na si Joel Apolinario, chief executive officer na si Reyna Apolinario, at iba pang mga kasamahan kaugnay sa pinapatakbo at pinaniniwalaang multi-billion peso investment scam.
Sa eksklusibong panayam ng Bombo Radyo Koronadal kay National Bureau of Investigation (NBI-12) Director Olivo Ramos, nagpapatuloy ang imbestigasyon sa mga kasong kinakaharap nito at posibleng makapagsampa pa ng panibagong kaso lalo na at maraming mga biktima ang dumudulog sa kanilang tanggapan.
Kaugnay nito, posibleng maipasara muli ang mga binuksang tanggapan ng KAPA pati na ang isang radio station sa lungsod ng Koronadal lalo na raw at klaro ang stoppage order na unang ipinalabas ng korte na dapat sundin.
Sa ngayon, pinoproseso na nila ang karagdagang kaso at minomonitor pa rin ang KAPA kung saan sa susunod na mga araw ay posibleng makapagpalabas na ng warrant of arrest.
Una nang sinabi ni Atty. Francis Carlos, private lawyer sa South Cotabato, na base sa stoppage order ng korte sa KAPA, ang mga frontliners nito na patuloy sa panghihikayat ng mga investors ay posibleng maharap din sa mga kaso.