Hindi nakadalo sa ipinatawag na imbestigasyon ng Land Transportation Office (LTO)ang vlogger na si Yanna.
Ipinatawag ang nasabing vlogger matapos ang pagkakasangkot niya sa road rage incident sa Zambales.
Sa halip na dumalo ay ang abogado na lamang nito na siyang nagrepresenta para sagutin ang show cause order ng LTO.
Sinabi ng kaniyang legal counsel na minabuti ng kaniyang kliyente na si Alyana Mari Aguinaldo na huwag ng dumalo dahil sa pangamba sa kaniyang seguridad.
Nakakatanggap umano ito sa banta sa buhay mula ng kumalat ang nasabing video niya.
Sa kaniyang ipinadalang sulat sa LTO ay humingi ito ng kapatawaran sa driver ng pick-up at maging sa pamilya nito ganun din ang mga tao na naapektuhan sa kaniyang pag-uugali.
Handa umano nitong tanggapin ang anumang kaparusahan na ipapataw sa kaniya ng LTO dahil sa insidente.
Sinabi ni LTO chief Atty. Vigor Mendoza, na inatasan niya ang abogado ni Yanna na isurrender ang drivers license matapos na inisyal na pinatawan siya ng 90-day preventive suspension habang gumugulong ang imbestigasyon.
Sa susunod na pagdinig sa Mayo 8 ay hindi lamang ang lisensya nito ang pinapa-surrender at maging ang motorsiklo na ginamit na hindi nakarehistro sa kaniyang pangalan noong nangyari ang insidente.
Magugunitang nilusutan ng vlogger ang pick-up driver habang sila ay nasa masukal na daan sa Zambales at matapos na lusutan ay binigyan pa nito ng ‘dirty finger’ bago kinompronta.