Maaaring tanggalin na ang moratorium sa pagpapauwi ng mga locally stranded individuals (LSIs) sa regions 6, 8 at CARAGA.
Sinabi ni National Task Force Against Covid chief implementer Carlito Galvez Jr. na kinakausap na nila ang mga gobernador at mayor sa mga rehiyong ito para sa muling pagtanggap nila ng mga LSIs sa kani-kanilang mga lugar.
Ayon kay Sec. Galvez, magtatapos na ang ipinatutupad nilang 14 araw na panahon para mapanatili sa quarantine facilities ang mga naunang LSIs na pinauwi sa mga rehiyong ito noong Hulyo 4 at 5 kaya mababakante na ang mga pasilidad.
Dahil dito, pwede na umanong tumanggap muli ng LSIs ang mga local government units (LGUs) sa regions 6, 8 at CARAGA.
Inihayag ni Sec. Galvez na nakatakdang ipagpatuloy ang “Hatid Tulong” program o pagpapauwi sa mga LSIs sa mga nasabing rehiyon sa Hulyo 25 at 26.