-- Advertisements --

Nilawakan na rin ng Philippine National Police ang pagbabantay nito sa vote buying cases, dalawang araw bago ang May 12 elections.

Kahapon (May 9) ay inatasan ni PNP chief, PGen. Rommel Francisco Marbil ang bawat regional director ng PNP na magsagawa ng mga serye ng operasyon upang mapigilan ang posibleng vote buying at vote selling bago ang tuluyang pag-usad ng botohan sa Lunes.

Kasabay nito ay inaatasan na rin ng bawat RD ang mga field commander sa kani-kanilang area of operation upang bantayan ang bawat lugar. Pinahihigpitan din ang pagtutok sa mga lugar na mayroon nang mga natanggap na reklamo ukol sa pamimili ng boto.

Bawat police station ng PNP ay may nakatalagang magbabantay sa naturang isyu.

Sa mga naunang pahayag ni Commission on Elections chairman George Garcia, posible aniyang samantalahin ng ilang kandidato ang nalalabing mga araw upang lawakan ang vote buying operations, bagay na kailangan aniyang mabantayan.

Sa kasalukuyan, daan-daang vote buying cases na rin ang iniimbestigahan ng Kontra Bigay Committee na binuo ng komisyon, ilang buwan bago ang May 12 elections.

Batay sa record ng komite, ang Calabarzon Region, Central Luzon, at Metro Manila ang may pinakamaraming kaso ng vote buying at vote selling cases, simula noong nagsimula na ang pangangampaniya sa national at local level.