Tiniyak ng pamunuan ng National Electrification Administration na nakahanda na ang lahat ng mga Electric Cooperatives sa buong bansa para sa local at national elections na nakatakdang ganapin sa Lunes, Mayo 12.
Sa isang pahayag ay sinabi ni National Electrification Administration (NEA) Engineering Department Manager Engr. Federico Villar Jr, lahat ng mga ito ay dumaan na sa masusing inspeksyon at preventive maintenance activities partikular na ang lahat ng mga substation nito.
Sa ganitong pamamaraan aniya ay kumbensido ang ahensya na walang magiging aberya sa mismong araw ng eleksyon.
Ayon kay Villar, nagsagawa na ang mga coop ng line clearing operations at pinalitan na rin ang mga power transmission at distribution system components na kritikal para magtuloy-tuloy ang supply ng kuryente.
Bukod dito ay nagsagawa na rin ng inspeksyon sa lahat ng mga electric facility na magbibigay ng supply ng kuryente sa mga voting at canvassing centers ngayong halalan.
Ang hakbang na ito ng ahensya ay batay na rin sa direktiba ng Department of Energy kasama ang Task Force on Energy Resilience ng ahensya .