-- Advertisements --

Iniulat ng National Electrification Administration (NEA), na limang mga electric cooperatives sa Mindanao ang apektado ng magnitude 7.4 na lindol na yumanig sa Davao Oriental.

Dalawa sa mga ito ang nanatili sa normal na operasyon kagaya ng SURSECO I at SURSECO II sa Surigao del Sur, habang tatlo naman ang nakararanas ng partial power interruption tulad ng DORECO (Davao Oriental), DASURECO (Davao del Sur), at NORDECO (Northern Davao).

Ang pagkaantala ng serbisyo ay bunsod ng epekto sa linya ng National Grid Corporation of the Philippines (NGCP) at isinasagawang assessment sa mga linya ng kuryente.

Habang nagpapatuloy ang iba pang pagsusuri sa lagay ng ibang electric cooperatives sa Mindanao.

Samantala pasado alas-10:30 ng umaga, tatlong (3) private distribution utilities (DUs) naman ang apektado din ng malakas na lindol.

Kung saan dalawa (2) sa mga DUs ang kasalukuyang nagsasagawa na ng assessment, habang isa (1) naman ang nakaranas ng tripping incidents sa kanilang pasilidad.

Patuloy din ang monitoring at pagsusuri ng mga kumpanya upang matiyak ang kaligtasan ng kanilang operasyon at agarang maibalik ang normal na serbisyo ng kuryente sa mga apektadong lugar.

Kaugnay nito, sampu (10) na substation ng Davao Light and Power Company (DLPC) ang pansamantalang nakaranas ng power interruption.