Pinaburan ng liderato ng Senado ang mungkahing modified lockdown sa Metro Manila at iba pang lugar na maraming infected ng COVID-19 sa pagtatapos ng enhanced community quarantine sa Abril 30, 2020.
Ayon kay Senate President Tito Sotto, sang-ayon ang kanilang panig sa rekomendasyon ng medical experts at dating cabinet officials, dahil hindi pa rin ganap na humuhupa ang mga kaso ng deadly virus.
Inilabas ni Sotto ang pahayag, isang araw bago ang inaasahang pagbibigay ng Pangulong Rodrigo Duterte ng kaniyang desisyon kung tatanggalin o palalawigin pa ang community quarantine.
Isa sa mga lugar na nakikita umano nilang maaaring magkaroon ng pagbabago sa ipinatutupad na paghihigpit ang area ng Metro Manila, dahil sa halos 5,000 kaso ng COVID at halos 300 naitalang namatay.
Ang mga lugar naman na zero COVID case ay maaaring luwagan, kagaya sa probinsya ng Camarines Norte na bagama’t bahagi ng Luzon ay nanatiling ligtas sa nasabing deadly virus.
Ang iba pang mga lugar na walang mga kaso ng COVID ay ang mga sumusunod: Agusan Del Sur, Apayao, Aurora, Basilan, Batanes, Biliran, Davao Occidental, Dinagat Islands, Eastern Samar, Guimaras, Ifugao, Kalinga, Masbate, Mountain Province, Quirino, Sarangani, Siquijor, Sorsogon, Southern Leyte, Sulu, Surigao Del Norte, Surigao Del Sur, Tawi-tawi, Zamboanga Del Norte at Zamboanga Sibugay.